Monday, May 14, 2012

Querulous

Ilang linggo na lang at pasukan na naman pero hanggang ngayon meron pa rin akong agam-agam patungkol sa naging desisyon ko. Sa pagkakataon na ito, mas minabuti kong bumalik sa dati kong eskwelahan kung saan halos mawalan na ako ng pag-asa. Sa eskwelahan na halos dumurog sa ilang bagay na pinaniniwalaan ko sa buhay. Sa eskwelahan na halos umubos ng respeto ko sa ibang tao at sa eskwelahan na halos kamuhian ko dahil sa sistemang meron sila. Pakiramdam ko sa muli kong pagbabalik kinakain ko lahat ng mga sinabi ko. Parang paglunok ng sariling pagkakamali.

Minsan tinatanong ko ang sarili ko kung bakit ganito na lang ang sentimyento ko pagdating sa eskwelahang pinapasukan ko. Ako ba ang tanging estudyante na nag-iisip ng ganito? Ako lang ba? Sadyang nag-iinarte lang ba ako o sadyang hindi ko lang maisaksak sa kokote ko na hindi lang naman ako ang nag-iisang estudyanteng nahihirapan? Hindi ko magawang magkaroon ng positibong pananaw sa buhay. Hindi ko masilip ang kabutihang naidudulot nito. Bulag ba ako at hindi ko makita? Bingi ba ako para hindi ko marinig? At wala ba akong pakiramdam para hindi makaunawa?

Tingin ko hindi naman pero ano ang pinoproblema ko?

No comments:

Post a Comment