Thursday, August 30, 2012

Mr. Lotus Feet

Nasagap ko ang balitang hinahanap ako ni Lotus Feet dahil wala raw akong grade sa subject nya. Syempre, nagpanting agad ang tenga ko dahil sa pagkakaintindi ko, lumalabas na ako ang dehado. Napamura ako sa pagkainis at pagtataka. Ako pa ngayon ang walang grade? Ako na laging pumapasok sa subject nya kahit madalang pa sa patak ng ulan kung magpakita sya.

Kung ako ang tatanungin, kaya kong ipagkumpara kung ilang bagyo ang muntik ng sumira sa bahay namin kaysa sa mga araw na nagpakita sya para magturo. Tapos ngayon ako pa ang may problema. Ako ang pa walang grade? Sinong matinong estudyante ang matutuwa no'n? Ang hilig nyang gumawa ng problema pero ibang tao ang hinahayaan nyang magdusa. Parang adik. Kaya nung araw na 'yun, hinanap ko sya para ipaintindi sa akin kung bakit nagkaroon ng ganitong problema.

Dali-dali kong inakyat ang hagdan papuntang faculty room kung saan sya nagpupuga pero bigo ako dahil hindi ko sya nakita. Buti na lang pagbaba ko, na-ispatan ko sya agad. Kahit nasa malayo sigurado akong sya 'yun dahil sa kuba nyang likod, pantalong nyang punit ang laylayan, buhok nyang malago at polo nyang may burdang bulaklak. Unti-unti ko syang nilapitan. Parang tigre na handang sumakmal sa na-ispatang biktima. Pero hindi ako tigre kaya hindi ko sya sinakmal. May kausap syang mga estudyante kaya naghintay ako. Nung pagkakataon ko na, hindi na ko nagpatumpik-tumpik pero bago pa ko makapagsalita nauna na sya.

Lotus Feet: "Oh, ikaw! Wala kang grade." Sabay turo ng daliri nya sa akin.

Ako: "Ser, paano mangyayari 'yun e nag-usap na tayo."

Lotus Feet: "Hindi kita nakita nung Friday. Nag-laboratory kami."

Parang hindi ako naintindihan kaya huminga ako ng malalim at sa bumuwelo para magpaliwanag.

Ako: "Ser, sa section A na ko lumipat dahil binago mo 'yung schedule ng section B. Kaya nga nag-conflict 'yung dati kong schedule at isa pa pumayag ka. Kayo ang laging wala kaya paano ako mawawalan ng grade."

Napatango sya sa sinabi ko at nagsalita ng: "Sige, sige." sabay tapik sa balikat ko at nagbilin na mag-aral raw kami dahil may laboratory exam kinabukasan. Sa totoo lang, hindi ko alam kung saan ko nakuha ang lakas ng loob para sabihin ang lahat ng 'yun. Kinabahan rin ako kahit papaano dahil professor ko pa rin 'yung kausap ko maski pagbali-baliktarin mo man ang mundo. Pero sa isang banda, kuntento na kong naipaliwanag ang side ko.

Kung may moral lesson akong natutunan sa sitwastong 'to, 'yun e ang ipaglaban ang karapatan mo kung alam mong nasa tama ka. 'Wag kang matakot magsalita dahil magpapatung-patong lang ang problema kapag wala kang ginawa lalo na kung ganitong klase ng tao babanggain mo.

Tsk. Akala nya ah. 

1 comment:

  1. kulet pre! yung ganyang mga prof dapat sinasabit ng patiwarik! lol.

    ReplyDelete