Thursday, September 13, 2012

Elementum



Ito ang bubungad sa akin sa tuwing papasok ako ng eskwelahan nung nasa elementarya pa lang ako. Transferee student ako nung grade six at dito kami pinag-aral nila ermats dahil medyo krisis nung mga panahon na 'yun. Mas makakabuti raw kung sa probinsya muna kami mag-aaral para makabuwelo sila sa pagtra-trabaho. Wala na kong nagawa dahil matagal na silang may desisyon kaya welcome to the new world ang peg namin. Bagong buhay. Bagong simula. Bagong pakikisamahan. Ilang taon lang naman daw. Bale, tama na sa kadramahan ko no'n baka kung ano lang ang mailagay ko dito. Dyok. 

Bale, kung ako ang tatanungin, malaki ang pinagkaiba ng eskwelahang 'to sa eskwelahang pinaggalinggan ko sa Cavite. Ramdam ko na agad ang pinagkaiba unang tapak ko pa lang. Ang hirap lang sariwain at ipaliwanag. Puede mo ng idugtong sa salitang simple. Basta.

Halika, ipapasyal na lang kita.


Ito ang kantina ng paaralan, medyo luma pero hanggang sa kasalukuyan patuloy pa ring ginagamit at matatag pa ring nakatayo. 'Yun nga lang hindi na mai-ikukubli ang kalumaan ng istraktura na may iba't-ibang uri ng insektong nakikisalamuha sa mga estudyanteng bumibili ng machi-chibog dito. Sobrang mura rin pala ng mga pagkain na pwede mong bilhin dito. 'Yung bananacue; tres lang, samalamig; dos, maja blanca; tres, cassava cake; tres, etc. Bihirang lumagpas sa limang piso ang halaga ng pagkain sa canteen na 'to at ang isa sa hinahanggaan ko e bihira ang mga nagtitinda ng junk food (ewan ko na lang ngayon). Kaya afford ng mga batang limang piso lang ang baon ang pagkain tuwing recess dito. Naks, healthy!


Ito naman 'yung classroom ko. May sariling palikuran ang classroom na 'yan pero dahil walang pambuhos sa mapanghing jingle dahil tigang ang lupa na pinagtatayuan ng poso at wala ring maayos na supply ng tubig, napagdesisyunan namin lahat na binyagan na lang ang gilid ng pader. Laugh trip nga ako dahil pati mga lalaki namin teacher nakigaya na rin.


Ito naman 'yung pinaka garden ng school kung saan puro nagtataasang kamoteng kahoy at gabi ang sapilitang ipinatim sa amin para sa subject na MAPEH. Dito ako nagdusa, nadumihan, pinagpawisan, nagbunot ng damo at nagtapon ng damo alang-alang sa grade. Nakakapagod 'yun akala mo ba. Dati puro kamoteng kahoy ang nakatanim dito... ewan ko lang kung sino ang pumitas at nakinabang. Duda ko 'yung janitor e. Nambintang pa nga. :P


Ito naman ang lugar kung saan idinaraos ang flag ceremony sa umaga at hapon. Nagulat pa nga ko nung una dahil kahit sa hapon meron pa ring flag ceremony. Hindi gano'n ang sistema sa pinaggalingan kong eskwelahan kaya bago para sa akin 'yun. Uso rin sa eskwelahang 'to ang "pabaon" kapag uwian. Ang siste e kukurutin nila ang mga classmates nila (kadalasan sa braso), mapa-babae o lalaki sabay karipas ng takbo. Kahit ako minsan na ring nabiktima. Maidagdag ko lang, dati hindi pa sementando ang parteng 'yan ng school kaya naman masasabi kong nakapaswerte ng mga batang nag-aaral dyan ngayon. Hindi kasi nila naranasan kung paano maputikan.


At pang huli ang stage ng paaralan. Hindi ko makakalimutan ang stage na ‘to dahil ang konkretong entablado na ito ang piping saksi sa lahat ng medyo masasaklap na sandali bago ko nahawakan ang blankong diploma. Pero hindi ko na ikuku-kwento at sasarilinin ko na lang. Napakaraming ala-ala ang narasanan ko nung dito pa ako nag-aaral. Mga bagay na hindi lahat nararanasan ng mga estudyante sa siyudad. Mga karanasang nagturo sa akin na pahalagahan ang mga tao at bagay-bagay na nasa paligid ko. Iminulat din sa akin ng lugar na ito kung gaano ako ka-swerte sa buhay. :) 

Muntik ko ng makalimutan, produkto ako ng public school simula kindergarten (na akala ko kindergarden) hanggang elementary.

Oh hala, tapos na. Naalala ko lang. Hanggang sa sunod na pagkikita. Paalam!

9 comments:

  1. wow! ang ganda ng topic mo :) pareho tayo na limang piso ang nabibiling pagkain. usually sopas o kaya spaghetti. haha. natuwa ako sa entry mo talaga. seryoso. napaisip akong biglang umuwi ng probinsya para maglibot sa elementary school ko :)

    ReplyDelete
    Replies
    1. waah. ang mura. napapamura ako! lol.

      Delete
    2. syempre pampublikong paaralan ito ser gord. kaya ganun.

      Delete
  2. naks! salamat pre. last year lang 'yan. ang balak ko lang talaga nun bisitahin yung dati kong teachers ang kaso yung iba sa kanila retired na at puro bago na yung andun. kaya naisip kong ikwento na lang yung experiences ko sa school dati. :) samalat sa pagdaan.

    ReplyDelete
    Replies
    1. syempre hindi to daan lang. regular nato na pagbisita. haha. pepestihin kita sa mga comments pag sinisipag ako. nakakatamad minsan magcomment dahil sa nakakahilong "prove you're not a robot" shiz :P hahaha.

      Delete
  3. napareminisce tuloy ako ng mga elementary days ko... ;(

    sa public school din ako nag-aaral nun. pag recess, di na kami pumupunta ng canteen dahil ang canteen mismo ay nagpapadala ng tray na may halo-halong tinda sa room namin.
    madalas ipaubos ng teacher namin laman nung tray na yun dahil ata may komisyon siya. hehe.

    one of these days, babalikan ko rin former school ko. ;)

    ReplyDelete
    Replies
    1. ganyan din sa school ko nung hindi pa ko lumilipat sa probinsya. minsan nga hindi kami papauwiin nung titser hangga't hindi ubos yung laman ng tray. hahaha.

      Delete
  4. "Hanggang sa sunod na pagkikita. Paalam!"

    -Son Gokou

    haha.

    ReplyDelete
  5. just discovered your blog and got intrigued by your post about your school. this reminds me of my cousin's school in the province. simple living at its best. and for the price of the snacks, nothing can beat that.

    ReplyDelete